Ang Pilipino STAR Ngayon 09/17/2006

Binalaan ng pamunuan ng Philippine National Police-Traffic Management Group (PNP-TMG) ang lahat ng vehicle owners na huwag lagyan ng anumang stuffs, stickers o tinted plastic license plate ang plaka ng kanilang sasakyan.

Ayon sa PNP-TMG, ang hakbang ay bilang tugon sa utos ni PNP Chief Director General Oscar Calderon na ang mga LTO license plate na nakalagay sa sasakyan ay dapat na malinis, clearly visible at madaling mare-recognize sakaling masangkot sa aksidente at iba pang illegal activities.

"Lahat po, sibilyan, pulis, military, opisyal man o ordinaryong pulis, pinatatabi po namin sandali pagkatapos aalisin lang po namin yung kung anumang nakakasagabal sa LTO-license plate at isosoli sa car owners ang inalis na sagabal at papayuhan ang mga itong huwag ng lagyan ng mga sagabal na yan," ayon sa TMG.

Ayon sa pulisya, ito ang ginagawang dahilan ng mga carnappers, bank robbers at ibang lawless elements, tinatakpan ang mga plaka ng kanilang mga sasakyang ginagamit sa pagnanakaw. Napuna ng LTO na dumarami na ang mga sasakyan na gumagamit ng tinted frame sa plaka ang kanilang mga sasakyan. (Angie dela Cruz)