Pinay iniwan ang anak para 'di madeport sa Saudi Ni Ellen Fernando (Pilipino Star Ngayon) Updated December 27, 2010 12:00 AM Comments (5)
MANILA, Philippines - Mas pinili ng isang Pinay na iwan ang kanyang anak at tumakas sa Bahay Kalinga sa Riyadh, Saudi Arabia upang hindi siya umano mapasama sa deportasyon pabalik sa Pilipinas.
Kinumpirma ni Labor Attache Albert Valenciano na nasa pangangalaga ngayon ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Saudi ang bata na hindi binanggit ang gulang.
Nais umano ng nasabing OFW na manatili pa sa Saudi sa kabila ng naranasang pagmamaltrato ng kanyang naging amo.
Sa report na tinanggap ng Migrante-Middle East, ang Pinay na umano’y Filipino-Muslim ay nakakalabas ng Bahay Kalinga upang magtrabaho bilang kasambahay sa umaga at pagsapit ng gabi ay saka umuuwi sa Bahay Kalinga. Hindi na umano bumalik ang ginang at ang pagiging maluwag sa kanya ng POLO ang ginamit nito sa planong pagtakas at pag-iwan naman sa kanyang anak.