[SIZE=4]Killer bus nangragasa sa Pasay[/SIZE]
Lasug-lasog ang katawan ng isang 59-anyos na lalaki matapos matumbok ng isang pampasaherong bus ang sinasakyan nitong motorsiklo dahilan para tumilapon ito at sumalpok naman sa likuran ng isang pick-up van sa Pasay City kahapon.
Nakilala ang biktima na si Nestor Rodriguez, nakatira sa 358 Protacio St. Pasay City na nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan.
Samantala, pormal na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ni SPO1 Albert Ignacio ng Pasay City Traffic Enforcement Unit (TEU) sa piskalya ang driver ng pampasaherong bus na Joysell Express na may plakang TXA-167 na si Robisito Lagumbay, 37 ng 169 Road 7 GSIS Hills, Talipapa, Caloocan City gayundin sa driver ng Nissan Frontier na may plakang FSA-808 na si Richard Asilo, 31 ng 18 Collins St. Doña Faustina Village, Culiat, Quezon City.
Batay sa ulat, tinatahak umano ng biktima ang kahabaan ng Macapagal Ave. lulan ng minamanehong motorsiklo na may plakang XQ-8962 patungo ng Parañaque dakong alas-7:20 ng umaga nang salpukin ng minamanehong bus.
Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ang biktima at sumalpok naman sa hulihang bahagi ng Nissan pick-up na minamaneho ni Asilo.
Nagawa pang maitakbo sa San Juan De Dios Hospital ang biktima na idineklara rin na dead on arrival sa nasabing pagamutan.