Agaw-buhay ngayon sa pagamutan ang isang dalaga makaraang mabundol ng Pajero habang patungo sa inaplayan nitong trabaho kahapon sa Macapagal Blvd., Pasay City.

Comatose ngayon sa San Juan de Dios si Leslie Torres, 26, ng 120 Cuneta Avenue, Pasay City sanhi ng pinsalang tinamo sa ulo nito at katawan.

Sa imbestigasyon ng Pasay City Traffic Bureau, alas-11:40 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng fastfood chain ng McDonald sa Macapagal Blvd., Pasay City.

Ayon kay Elmer Torres, 24, kapatid ng biktima, magkakapit-kamay silang tumawid ng kanyang kapatid sa pedestrian lane sa nasabing lugar at nagtigilan na ang ilang mga sasakyan ngunit sa huling bahagi ng tawiran ay bigla na lamang sumulpot ang humaharurot na maroon na Mitsubishi Pajero na ‘di naplakahan.

Nagulat na lamang si Elmer nang mawala sa pagkakahawak sa kamay ang kanyang kapatid at nakita na lamang niya na nasa kabilang lane na ito, may 15-metro ang layo.

Bagama’t nabasag ang headlight at nayupi ang bumper ng Pajero ay mabilis pa ring pinaharurot ng ‘di nakilalang driver ang sasakyan nito.

Ayon kay Elmer, nakatakda sanang interbyuhin ang ate nito sa inaplayang trabaho bilang waitress sa isang malaking restaurant subalit naudlot ito dahil sa pagkaka-hit and run dito.

Nanawagan naman ang pamilya ng biktima sa driver ng Pajero na sumuko at harapin ang nagawang insidente.