Pero pagpasok nitong taon, ginulat ang mundo ng basketball sa maliit na point guard na Asian-American o Chinese-American na si Jeremy Lin.
Bumulusok si Lin at tumira ng career-high 25 points, 5 rebounds, at 7 assists para sa New York Knicks kontra New Jersey Nets.
Kagulat-gulat na nabigyan ng oras ang 3rd string point guard mula sa bench at nu’ng gumanda ang laro, patuloy na binigyan ng playing time ni Coach Mike D’ Antoni na hirap ding makahanap nitong taon ng steady point guard na makakatulong sa tatlong big stars nila na sina Carmelo Anthony, Amare Stoudemire, at Tyson Chandler.
Sinundan pa ito ni Lin ng isa pang matinding performance na 28 points, 2 rebounds, at 8 assists sa panalo ng Knicks kontra Utah Jazz.
Maaaring sabihin ng marami na tsamba lang ang dalawang magandang laro ni Lin na malaki ang naitulong sa mga panalo ng Knicks. Pero kung titignan mo ang kasaysayan ng bata, hahanga ka, at hindi ka magdududa na gagaling pa siya.
Si Lin ay ‘di gaya nina Yao Ming na naging #1 overall pick sa NBA draft at si Yi Jianlian na naging #6 sa draft. Si Lin ay hindi na-draft sa NBA at nag-try out lang bilang free agent. At kung babalikan pa natin ang buong career ni Lin, gano’n na lang palagi ang nangyayari.
Mula sa kanyang pagtatapos sa Palo Alto High School kung saan captain-ball siya ng team at ipinanalo ang California Interscholastic Federation title at may mga numerong 15.1 points, 7.1 assists, 6.2 rebounds, and 5.0 steals per game.
Pero sa ganda man ng high school career niya, hindi siya nire-recruit ng mga bigating college teams. Sa katunayan, si Lin pa ang nag-a-apply. Gumawa siya ng mga DVD highlights ng laro niya at pinadala sa mga Ivy League schools na gusto sana niyang puntahan gaya ng Cal State, Stanford, at UCLA.
Sa mga ‘yun, walang may gusto kay Lin. At dalawa lang ang sumagot, Harvard at Brown, pero ang masaklap pa, walang maibigay na athletic scholarship kay Lin.
Matapos ang apat na taon sa Harvard nagtapos si Lin na may 16.4 points, 4.4 rebounds, at 4.5 assists per game.
Pero muli, sa ganda man ng laro niya sa Harvard, hindi siya pinansin sa NBA draft.
Nagsipag si Lin na mag-tryout sa sari-saring team at matapos maglaro sa Mavericks summer league team, napunta siya sa Golden State Warriors at pumirma na ng kontrata. Na-waive siya nitong taon at napunta sa New York at ngayon, kasaysayan na ang lahat ng naganap.
Sipag at tiyaga ang pinatunayan ni Lin. Dagdag pa niya lagi na team player siya, kaya’t nagkamali ang mga tumingin sa kanya dati na lagi na lang individual skills at abilities ang pinupuna.
Ngayon na starting point guard na si Lin sa Knicks, bilang Asian fan, umaasa ako na tuluy-tuloy na ang improvement ni Lin at sana’y patuloy niyang bigyang pag-asa ang mga batang Asian players na mangarap gaya niya.