IPINAWAWALANG-SAYSAY ng akusadong si Hubert Webb, anak ni dating Senador Freddie Webb ang hatol na habambuhay na pagkakabilanggo sa kanya sa kasong multiple murder and rape kaugnay sa kontrobersiyal na Vizconde massacre case.

Sa 43-pahinang motion for reconsideration na inihain ni Webb sa Court of Appeals (CA), hiniling nito na ang desisyon noong Disyembre 15, 2005 ay maibasura at magpalabas ng bagong desisyon na nagpapawalang-sala sa kanya.

Iginiit ni Webb na ang desisyon ng CA 10th Division na kinakatigan ang desisyon ng Parañaque RTC ay nagresulta sa kawalan ng hustisya matapos na hindi nito paniwalaan ang mga iniharap na impormasyon at record na nagdedeklarang walang sala ang akusado.

Sinabi ni Webb na dapat ikinunsidera ng CA ang Philippine Passport na nagta-taglay ng Bureau of Immigration Departure stamp noong Marso 9, 1991 at arrival stamp noong Oktubre 27, 1992. Iginiit ng akusado na kinumpirma pa ng United States Government ang entry nito sa magkaparehong araw.

Ngunit sa desisyon ng CA sinabi nito na mas nakumbinsi sila sa testimonya ng eyewitness na si Jessica Alfaro kaysa sa mga ebisensiyang iniharap ng akusado.

Matatandaan na noong Disyembre 15, 2005, nagpalabas ng desisyon ang CA na pinonte ni Associate Justice Rodrigo Cosico, na kinakatigan ang hatol na habambuhay na pagkakabilanggo nina Webb, Antonio Lejano, Michael Gatchalian, Hospicio "Pyke" Fernandez, Miguel Rodriguez at Peter Estrada sa pagpatay sa mag-iinang sina Estrellita Vizconde at anak na sina Jennifer at Carmelita na ginahasa pa ng mga akusado noong Hunyo 29, 1991 sa BF Homes, Parañaque City.
************************************************** *******