Ayon sa isang source sa loob ng Dos, usap usapan daw sa loob ng kanilang bakuran na nag-flop ang karamihan sa mga shows na bago ng ABS-CBN laban sa GMA. Bad news daw para sa Lopez owned company dahil tanging ang Wowowee lamang ang nagclick sa lahat ng mga ito, pero hindi parin lumamang sa ratings laban sa katapat na show na Eat Bulaga.

Sa ilang pag-aaral ng ilang mga advertising agencies, pinaka-maling move daw ng Dos ang pagpapalit ng pangalang TV Patrol to TV Patrol World! Ayon sa kanila, nahihirapan daw silang magplace ng advertisement sa Dos kasi karamihan ng mga produktong binibenta nila ay local, subalit ginawang market ng TV Patrol World international.

Bukod pa rito, hindi raw maganda ang chemistry nina Karen Davila, Ted Failon, at Julius Babao na mga News anchor ng TV Patrol World. Buti pa raw sa radio, malakas ang impact nina Ted Failon at ng dating host ng Patrol na si Korina Sanchez.

Gaano rin kaya katotoo ang balitang tuloy na ang resignation ni Charo Santos-Concio bilang isa sa mga top executive ng Dos dahil sa hindi nito makasundo ang bagong EVP and COO na si Mr. Alejandro? Sana maayos din nila ang gusot bago pa mahuli ang lahat.

Samantala, nagkakagulo naman daw ang mga advertisers para sa GMA dahil puno na ang slots para sa mga advertisement ng ilo-launch na fantaserye nilang Darna. Ayon pa sa source na galing Dos, gagawan na lang daw nila ng spoof ang Darna kung saan si John Lapuz ang magiging bida. Ganito rin ata ang ginawang move ng Siete before at gumawa sila ng spoof na Marinara noong umariba ng todo ang Marina.