from Abante, March 25, 2004 issue
Cassandra Ponti 'GF ni Roco?
(Bernard Taguinod)
DIPOLOG CITY, Zamboanga del Norte --- Isang baguhang starlet ang nang-agaw ng eksena kahapon sa seryosong kampanya ng Alyansa ng Pag-asa matapos kumalat ang ugong na kini-claim diumano nito na siya ay ‘girlfriend’ o GF ni presidential aspirant Raul Roco.
Hindi naman makuhang magalit ng standard bearer ng Alyansa ng Pag-asa sa naturang ‘tsismis’ at sa halip ay natawa ito nang hingan ng reaksyon ng mga mamamahayag.
Sa ulat na nakarating sa kampanya kahapon ng partido, isang Cassandra Ponti ang diumano’y lumantad at nagpa-interview sa national television hinggil sa pagkaka-link niya kay Roco.
“Who is she?” gulat na gulat ngunit natatawang pahayag ng presidentiable na dating kalihim ng Department of Education (DepEd).
Nang ipaliwanag ng mga reporter kung sino si Ponti ay lalong natawa si Roco. “I don’t know her but thank you for thinking of me,” maginoong komento nito.
Ang ipinagtataka lamang umano ng kumakandidatong presidente ay kung bakit kung kelan 62-anyos na siya ay saka naman siya matsitsismis sa isang starlet.





