http://www.abs-cbnnews.com/video/nat...-monday-strike

Aalamin at pagpapaliwanagin ng LTFRB kung sinu-sino ang sumali sa tigil-pasada ng mga bus kahapon sa unang araw nang pagpapatupad ng number coding. Tiyak namang may parusang suspensyon o kanselasyon ng kanilang mga prangkisa ang mga nanadyang hindi bumiyahe.

“There is an assurance that we will impose sanctions. But the cancellation, siyempre, depends on the circumstances, depends on what these bus companies will give us. That is why we will investigate properly,” ani LTFRB Chairperson Nelson Laluces.

“It was a disruption of the transport system,” ani Transportation Secretary Jose de Jesus.

Sabi naman ng mga bus operator, walang nangyaring strike. Nagkulang daw ang mga bus dahil marami ang hindi puwedeng ibiyahe dahil sa number coding.

Anila, mahigit 100 o mahigit kalahati ng bus ng isang kumpanya ang hindi maaaring ibiyahe kapag Lunes dahil ang plaka nito ay nagtatapos sa 1 at 2.

“Ngayon madalas po nating itanong kung ano ba talaga ang nangyari, siguro po puwede rin nating maitanong ngayon na ano ba ang nangyari sa number coding? The main issue is sana nagkaroon ng consultation,” ani Atty. Grace Aducul.

Ayon naman sa Metro Manila Development Authority, may mga ebidensiya silang sinadyang hindi pumasada ng ilang bus operator.

“Kahit po i-deny nila na walang strike, we still define a strike as a planned, deliberate and concerted efforts on the part of holders of certificates of public convenience to disrupt the delivery of basic services to the prejudice of the riding public. 'Yan po ang ginawa nila kahapon,” ani MMDA Chair Francis Tolentino.

Gusto ng Pangulo na mag-dayalogo ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga bus operator para makahanap ng solusyon sa lumalalang traffic sa Metro Manila. Hindi naman nangangahulugang ititigil ang number coding.

Nakahanda ang gobyerno na mag-alok muli ng libreng sakay sakaling mahirapan na naman ang mga pasahero bukas, strike man o hindi ang itinawag dito ng mga bus operator. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino