New and Used Car Talk Reviews Hot Cars Comparison Automotive Community

The Largest Car Forum in the Philippines

Results 1 to 10 of 32

Hybrid View

  1. Join Date
    Apr 2007
    Posts
    3
    #1
    Babala!!!

    Mag-ingat sa Traffic Enforcer na si Mr. Virginio C.V. Badilla (ng Brgy. Socorro) na nambibiktima ng mga motorista sa panulukan ng Romulo at Roxas Street sa loob ng Araneta Center, Cubao, Quezon City.

    http://img.photobucket.com/albums/v1...mulostreet.jpg

    Ito po ang lugar kung saan siya nambibiktima: ang kanto ng Romulo at Roxas Street. Mag-ingat po kayo sa lugar na iyan. Lalo na kung medyo madilim na at gumagabi na. Nagtatago si Badila at bubulagain ka na lang bigla kung ika’y magkamali.

    Ano ang paraan ng pambibiktima?

    Ang panulukan ng Romulo at Roxas ay mayroong mga plastic pink barriers na naghahati sa kalsada. Ilang piraso lamang po ang mga pink barriers na ito. Hinahayaan ni Badilla at ng kanyang mga kasamang traffic enforcers ang mga pampasaherong Jeepney na gawing terminal ng Jeep ang panulukan. Hinahayaan nilang magbaba at magsakay, at maghintay ng pasahero ang mga Jeepney kung kaya’t laging matrapik ang lugar na ito.

    Bilang patunay ay nasa itaas ang larawan ng sitwasyon. Habang ang kabilang lane ay matrapik, ang kabilang lane naman ay maluwag na maluwag. Minsan kakawayan nina Badilla ang mga pribadong sasakyan na pakaliwa upang mag-counterflow upang iwasan ang kumpulan ng mga sasakyan. Samakatwid, minsan BAWAL, minsan HINDI BAWAL. Ako po ay matagal ng may negosyo sa Araneta Center at ang kalyeng ito ay araw-araw kong dinadaanan. Ito rin ang araw-araw kong obserbasyon.

    Syempre, dahil MINSAN BAWAL at MINSAN HINDI BAWAL (depende sa mood ni Badilla at mga kasama nitong traffic enforcers), may ilang motorista ang naaasar na sa napakatrapik na lugar na ito. Minsan may mga motorista ang naaakit na mag-counterflow at iniiwasan na ang kalyeng ginawa ng terminal ng mga Jeepney. Ang hindi alam ng mga motorista ay nagtatago pala itong si Badilla et al, sa dulo ng kalye at bubulagain na lamang sila at titiketan. Bakit ba sila Badilla ay nanduon lahat sa dulo? Maari namang ang isa sa kanila ay pumwesto sa malapit sa arrow signboard at maging deterrent duon sa nagbabalak pa lang mag-counterflow. Baka naman kaya may pakinabang sila Badilla sa ganitong sitwasyon.

    Sa aking panayam sa mga ilang motorista, napakahigpit daw nitong si Badilla at hindi nakukuha sa pakiusap, at animo daw ay siya ang makapangyarihan sa lugar na iyon. Subalit kung iaabot mo ang lisensya mo na may lamang pera ay agad niyang isosoli….ang lisensya pero hindi ang pera.

    Ito rin ang salaysay sa akin ng ilang guwardiya sa Araneta Center na nagmamando din ng trapiko sa lugar. “Napakahigpit niyang si Badilla…Walang patawad yan kahit maliit na pagkakamali”. Hindi ko na po babanggitin ang pangalan ng guwardiyang nakapanayam ko.

    Ano ang aking karanasan kay Traffic Officer Badilla?

    Noong Biyernes, June 3, 2011, dakong 7:30 ng gabi ay nagmamaneho ako ng aking sasakyan sa naturang panulukan ng Romulo at Roxas. Dahil ako’y may emergency (sapagkat nadisgrasya ang aking amang paralisado na nabagok sa CR) at dahil sa madilim na din ay aksidenteng nalampasan ko ang isang pink barrier sa bukana. Nagtangka akong bumalik dahil AYAW kong mag-counterflow kahit MINSAN BAWAL at MINSAN HINDI BAWAL.

    Subalit sa DULO ng pink barrier ay naroroon si Traffic Enforcer Badilla at ako’y kinakawayan. Sa buong akala ko ay kinakawayan niya ako na pwede na akong mag-counterflow. Kaya ako ay nagtuloy-tuloy na at hindi na umatras. Wala namang kasalubong na anumang sasakyan. Tulad ng dati, napakatrapik sa lane patungong Aurora, at wala namang sasakyan kahit isa sa kabila nito. Samantala ay nilampasan ko na si Traffic Officer Badilla at tandang tanda kong iminonstra niya ang kanyang kaliwang kamay na nag-swing pailalim na sa pagka-unawa ko na kanyang ibig sabihin ay: “sige tuloy lang” Ako’y nagpasalamat pa nga ng pabulong sa kanya.

    Nagpatuloy na ako sa pagmamaneho at narating ko na halos ang traffic light sa Aurora Boulevard malapit sa Gateway Mall. Dahil pula ang traffic light ay huminto ako. Biglang bigla ay dumating sa harapan ko itong si Traffic Officer Badilla, at ibinalandra ang kanyang motorsiklo sa harapan ng aking sasakyan. Samantala ay green light na. Nagagalit na ang mga motorista sa likod ko dahil hindi ako makausad dahil nga sa hinarangan ni Badilla ang aking sasakyan. Ang resulta ay nagkaroon ng malaking trapiko sa lugar na kanina lamang ay walang ka-trapik trapik! Nagtataka ako kung bakit ito ginawa ni Badilla. Sa buong pagkakataong ito ay nasa GITNA kami ng kalsada at nagiging dahilan na ng trapiko!

    Bumaba ng motorsiklo si Badilla at buong yabang na sinabi sa akin: “Lisensya mo! Nahabol din kita..ang layo ng paghabol ko sayo!”

    “Ano???” Ang nawika ko… “ano ang kasalanan ko, sir” ang tanong ko sa kanya.

    “Nag-counteflow ka at pinahihinto kita, hindi ka huminto. Tagal kita hinabol!” ang pailing-iling pang sinabi ni Badilla.

    Sa init ng ulo ko ay muntik na akong makapag-mura. Pero nagtimpi pa rin ako dahil ako ay gumagalang sa mga traffic enforcers na naka-uniporme. Ipinakita ko sa kanya ang aking lisensya bilang pagsunod dahil sa akala ko ay oras na nasa kanya na ang aking lisensya ay patatabihin na niya ang aking sasakyan dahil nga nasa GITNA kami ng kalsada at marami ng motorista sa likod naming ang galit na galit na (may narinig pa nga ako na isang motorista nagmura kay Badilla at sinabihan itong “nakahuli na naman o!”)

    Hindi ko pa nag naiaabot ng husto ang lisensya ay hinablot na ito ni Badilla na para bang hayok sa lisensya. “Hindi ako maglalagay sayo”, ang nasabi ko na lang sa sarili ko. Isinulat niya pa sa gilid ng tiket ang pagmamayabang na ako daw ay “apprehended after a long chase”. Muntik na talaga akong magmura-- subalit nanatili akong tiwasay sapagkat alam kong nagkakamali siya at mapatutunayan ko ito.

    Matapos niyang maibigay ang tiket sa akin ay pinapipirma pa ako. Hindi ako pumirma. Ibinulsa niya ang aking lisensya at sumibad na ng takbo. Pakiramdam ko ay para akong ninakawan ng lisensya ng pagkakataong iyon.

    Kahit ako’y nagmamadali dahil ang aking ama na paralisado ay nabagok sa aming C.R., ay nagmadali akong bumalik sa lugar kung saan naka-pwesto si Badilla. Nais kong magpaliwanag sa kanya na ako’y hindi labag sa batas. Na maaring ako’y nagkamali sa aking interpretasyon sa kanyang pagkaway. At hinding hindi ako nakipaghabulan sa kanya tulad ng kanyang akusasyon (at paano naman ako tatakbo sa kanya e alam ko namang maraming traffic lights akong dadaanan?)Subalit kahit na naghintay ako doon ng tatlumpung minuto ay hindi na nagbalik itong si Badilla.

    Kaninang umaga ay nagkaroon ako ng panahon upang magmanman sa lugar na kung saan ako ay nga- daw ay counterflow sabi ni Badilla. Nakita ko si Badilla na meron na namang hinuhuli na isang taxi driver.

    http://img.photobucket.com/albums/v1...43/traffic.jpg

    Nakita kong napaka-trapik pa rin sa lugar na iyon. Ito’y kahit marami silang traffic enforcers ang nandirito, bukod pa sa ilang guwardya ng Araneta center na nag-ta-trapik din.

    Ilang beses pa akong nagmanman sa ibang pagkakataon. Minsan ay nawawala ang lahat ng traffic enforcer lalong-lalo na kung napakabigat ng trapiko. Subalit napansin kong ang kanilang mga motorsiklo ay pawang nakaparada sa gilid ng kalye. Ilang beses akong nagpabalik-balik sa lugar at nag-picture at nag-video pa para patunayan na ang mga traffic enforcer ng Bgy. Socorro, kabilang na si Badilla, ay nawawala sa kanilang pwesto ng SABAY SABAY. Tingnan ang larawan sa ibaba, na pawang ang mga motorsiklo nila ang naiwan.

    http://img.photobucket.com/albums/v1...3/traffic1.jpg

    Saan sila nagpupunta? Bakit walang naiiwan sa kanilang pwesto na kahit isa upang sulosyunan ang trapik? At bakit kung minsan naman napakarami pa nila sa kantong ito, pero hindi pa rin nasosolusyunan ang trapiko? Sayang naman ang binabayaran nating mga buwis para ipampasweldo sa kanila!

    At bakit naman minsan ay nagkukumpulan sila sa kantong iyon? Kahit na mayroon ng mga guwardiya ng Araneta center ang nagta-trapik dito sa lahat ng oras? At bakit sila pinahihintulutan na sila’y makapanakot ng motorista? Sila ba ay nag-aayos ng trapiko? O sila ba ay nananakot sa mga motorista?

    Sana man lang ay maisip ni Badilla (at iba pang abusadong Traffic Enforcers na kagaya niya) na kung hindi sa ating buwis, ay wala sana silang hanapbuhay at hindi nila matutustusan ang pag-aaral ng kanilang mga anak at ang kanilang kakainin sa araw-araw.

    Imbes na respetuhin sila ng mga tao, sila tuloy ay nababansagan na BUWAYA, sapagkat mahilig magtago at maaring lagyan ng salapi upang wag lamang matiketan. Ang kanilang pagtatago sa dilim o panglalansi (tulad ng ginawa sa akin ni Badilla) ay nagbibigay lamang ng “bad blood” sa pagitan nila at ng mga motorista. Kung i-poposisyon ba naman nila ang sarili nila sa mas maliwanag na lugar at yung talagang kita ng mga motorista, ay magiging “deterrent” na sana sila sa mga “violators”.

    Hinding-hindi ko tutubusin ang aking lisensya at kahit saan makarating ay ipaglalaban ko ang aking karapatan. Ako’y po’y responsableng driver at ni minsan sa loob ng anim na taon kong pagmamaneho ay hindi lumabag sa batas trapiko. Matapat ako sa pagbabayad ng buwis at alam ko ang aking karapatan bilang mamamayan.

    Dennis Villegas
    Writer
    The Philippine Online Chronicles
    Last edited by dennisvillegas2; June 8th, 2011 at 10:42 PM. Reason: grammar

  2. Join Date
    Jul 2010
    Posts
    4,390
    #2
    ok yan ginawa mo broDennis...dapat yan ginagawa na lang pataba sa laloma e....


    sun and the beach!!!!

  3. Join Date
    Apr 2007
    Posts
    3
    #3
    salamat po..ang sa akin lang po ay hustisya..marami din po akong kilalang traffic enforcer na matuwid..subalit itong si Badilla....ay bahala na kayo kung ano ang masasabi niyo.

  4. Join Date
    Sep 2003
    Posts
    7,500
    #4
    Quote Originally Posted by dennisvillegas2 View Post
    salamat po..ang sa akin lang po ay hustisya..marami din po akong kilalang traffic enforcer na matuwid..subalit itong si Badilla....ay bahala na kayo kung ano ang masasabi niyo.
    Hindi ko maintindihan sa sinabi mo na hindi mo tutubusin ang license mo?

    Paano kana makakapagdrive nyan? Pwede mo lang gawin ako icontest mo at magharap ka nang reklamo dun sa enforcer. 200 petot lang naman ang filing nang contest sa license.

  5. Join Date
    Apr 2007
    Posts
    3
    #5
    sa ngayon po ay may nagmamaneho po sa akin ..may abogado na rin po ako at siya na po ang bahala sa pag-file ng reklamo kay officer badilla..

  6. Join Date
    Sep 2003
    Posts
    21,384
    #6
    ^ sige sir......fight!
    sana masibak yang si badilla.

Biktima ng isang abusadong Traffic Enforcer sa Cubao