Ingat na lang. Dumadami mga salot ng lipunan....

Dalawang babae ang natagpuang patay sa loob ng isang bahay sa Yakal street, Sta. Cruz, Maynila.

Hindi pa kinikilala ng awtoridad ang mga nasawing biktima.

Gayunman ay kinilala ng kaibigan ng pamilya ang tatlong nakatira sa bahay na sina Teresa Tan, 60-anyos; anak niyang si Evelyn Tan, 40-anyos; at kasambahay na si Cristina Barola, 22-anyos.

Kwento ng Julie Sopelano, kaibigan ng pamilya, paalis sana ngayong araw patungong Beijing, China si Evelyn.

Hindi umano ito sumasagot sa mga text at tawag nang sunduin ng rent-a-car driver na si Francis Lalin kaninang alas-4:00 ng madaling araw.

Dito na sila humingi ng tulong kay Barangay Captain Arsenio Dacanay.

Batay naman sa salaysay ng mga kapitbahay, may nakita silang duguang lalaki na lumabas sa harap ng bahay ng mga biktima at saka sumakay ng tricycle.

Hawak na ng awtoridad ang pangalan nito ngunit ayaw muna nilang ipagbigay-alam sa publiko.

Hinihinalang insidente ito ng akyat-bahay dahil sa labas ng bahay lumabas ang suspek at saka minartilyo pa ang gate sa harapan ng bago, na siyang dinaanan para tumakas.

Patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District sa nangyaring krimen. Report from Noel Alamar, Radyo Patrol 38