PATI bayarin sa drivers license ay hindi pinatawad sa hagupit ng Reformed Value Added Tax (RVAT) dahil tumaas na rin ang singilin sa computer's fees na may kinalaman sa pagpaparehistro ng lisensiya ng sasakyan at motorista.

Sa official communication form na nakuha ng People's Taliba mula sa LTO Information Technology provider Stradcom , dapat itaas ang computer fees na sisingilin sa drivers license fees at car registration bunsod ng 12% RVAT.

Nakasaad dito ang abiso ng Stradcom sa lahat ng LTO office natonwide partikular sa Metro Manila na kolektahan ng dagdag computer fee ang mga motorista epektibo Pebrero 1 2006.

Ayon sa bagong rates, ang Motor Vehicle Registration mula P132.00 computer fee ay gagawin nang P134.40 o may P2.40 na taas sa rehistro.

Ang computer fee para sa Driver's License ay itataas naman ng P1.04 mula dating halaga na P52.80 at ngayo'y magiging P53.76.

''Wala silang karapatang magtaas ng computer fees dahil lagi namang bogged down ang mga equipment nila, kami rito sa LTO ay laging nasisisi ng taumbayan sa bagal ng sebisyo dahil sa araw-araw na gawain namin wala kaming araw na matandaan na hindi nasisira ang kanilang mga servers,'' anang isang district head na ayaw pabanggit ang pangalan.