Kasabay ng ika-113 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, minungkahi ng isang senador na baguhin ang watawat ng Pilipinas bilang pagkilala sa mga Pilipinong Muslim na tumulong para makamit ang kasarinlan ng bansa.
Ayon kay Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., napapanahon na bigyang-kredito ang mga Filipino Muslim dahil sa kanilang kagitingan at katapangan laban sa pananakop ng Kastila.
“Kaya nararapat lamang na maipakita ang pagkilalang ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kaukulang representasyon sa pambansang watawat,” ani Revilla.
Ilan umano sa mga bayaning Filipino-Muslim na magiting na nakipaglaban sa mga Kastila ay sina Muhamaad Ul-Halim at Datu Ache na nagkaisa para labanan ang pananakop ng mga Kastila sa Sulu.
“Bilang pagpupugay sa kanila at sa iba pang kapatid nating Muslim na lumaban sa mga dayuhang mananakop, dapat lang na ang kanilang kontribusyon sa pambansang kalayaan ay simbolikong itatak sa ating bandila,” ani Revilla.
Dahil dito, inihain ni Revilla ang Senate Bill 2691 na layong amyendahan ang Republic Act 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Sa ilalim ng panukala ni Revilla, isang sinag ang idaragdag sa orihinal na walong sinag ng gintong araw sa pambansang watawat bilang simbolo ng mga Pilipinong Muslim na lumaban kontra sa pananakop ng mga Kastila.
“Sa simbolikong paglalagay natin sa ating mga kapatid na Muslim sa ating bandila, binibigay natin sa kanila ang tamang lugar nila sa ating kasaysayan,” ipinaliwanag niya.
Pinunto pa ni Revilla na ang ikasiyam na sinag ay magpapatunay lalo na talagang pinahahalagahan ng pamahalaan ang mga Pilipinong Muslim.
“Sa pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan, alalahanin natin ang ating mga ninuno na lumaban para makamtan natin ito at kabilang dito ang ating mga kapatid na Muslim,” dagdag nito.