from tulfo

Kontrobersiyal na promo ng Sun Cellular

BAHALA SI TULFO Ni Ben Tulfo
Pilipino STAR Ngayon 02/09/2005



ANG kontrobersyal na promo ng Sun Cellular na ''call and text unlimited" ay makabubuti sa kanilang mga subscribers at sa mga potential customers na gustong makatipid.

Ang siste, ang promong ito'y maaaring panghatak lang dahil may kahinaan at kakulangan ang serbisyo ng Sun Cellular. Una, kulang sila sa cell sites kaya may kahirapan sa koneksyon.

Sa mga may tiyaga't gustong makatipid, ito 'yung nararapat na promo para sa kanila. Pero sa pananaw nitong dalawang higanteng Smart at Globe, ''predatory pricing'' at ''unfair competition'' daw. Tsk-tsk-tsk!...

Akala siguro nitong dalawang kompanya, ''bobo'' at walang sariling pag-iisip 'yung mga subscribers. Ayaw lang nilang diretsuhin na malaki ang epekto nitong promo sa kanila.

Sa halip na mag-ingay ang Smart at Globe na animo'y mga batang nagsusumbong sa National Telecommunication Commission, tapatan na lang nila ng kahalintulad na promo nitong Sun Cellular, tutal kaya naman nila.

Ang kaso, kung sino pa 'yung mga higante, sila pa 'yung mga ''iyakin''! Kung tutuusin, ang liit ng Sun Cellular, hindi nila kaya? Sa bandang huli, ang mga promong ganito, ang makikinabang ay ang taumbayan.

Tutal, serbisyo naman ang pinag-uusapan. Pinangangalandakan pa nga ng Smart at Globe marami silang cell sites, 'di tulad nitong ''naghihingalong'' Sun Cellular. At napakahirap makontak kapag wala ng (Sun) araw.

Bahala na 'yung mga subscribers ng Sun Cellular, sila ang makakapagsabi kung talagang may saysay ang promo at kung sulit nga 'yung kanilang matitipid sa perwisyong kapalit.