BRUNEI, Darussalam --- Ipagpapatuloy ng RP-San Miguel Beer ang pag-aaral sa paglarga ng 5th Shell Rimula Cup dito sa National Indoor Stadium.
Nasa ikatlong internasyonal na torneo sa dalawang buwan, umaasa ang Nationals ni coach Chot Reyes na mapakikinang nila rito ang sariling plays upang iangat ang antas ng performance sa six-team tourney na lalawig ng isang linggo.
"The expectation here is to continue learning the way we do things and continue to play with each other," ani Reyes na ang koponan ay makikipagtunggali sa Japan, China at South Korea.
"And finally continue to learn how to play the international game," dagdag niya.
Ayon kay Reyes, ang torneong ito sana ang huling tune-up tournament para sa FIBA-Asia Championship Cup sa Doha, Qatar sa susunod na buwan kung hindi nasuspendi ng FIBA ang bansa.
Kakatawan ng Indonesia at Malaysia ang Southeast Asian region sa torneong magsisilbing qualifier sa World Basketball Championship.
Kalahok din dito ang Alaska Milk at ang isang Pinoy selection na tatawaging Warriors at palalakasin nina Gilbert Malabanan, Genesis Sasuam at Ricky Ricafuente. Sila ang humalili sa umurong na Indonesian squad.
Sinabi ni Reyes na target nila ritong iuwi ang $20,000 top purse ngunit pangunahin nilang prayoridad ang pagtataas ng antas ng performance ng mga RP quintet.
Mabibinyagan dito sina Rafi Reavis, Jimmy Alapag at Nic Belasco na nabigong magsuot ng RP jersey sa Global Hoops Summit sa Las Vegas, Nevada at Jones Cup sa Taiwan.
Bubuo rin sa RP quintet sina Asi Taulava, Kerby Raymundo, Ren-Ren Ritualo, Dondon Hontiveros, Jayjay Helterbrand, Romel Adducul, Tony dela Cruz, Billy Mamaril at Kelly Williams.
Unang titipanin ng Nationals ang Toshiba ng Japan sa larong itinakda rin kahapon.
Nagtatanggol na kampeon dito ang SK Knights na patitigasin sa pagpasok ni Wesley Wilson, ang dating import ng Shell Turbo Chargers sa nakaraang PBA Fiesta Conference.