New and Used Car Talk Reviews Hot Cars Comparison Automotive Community

The Largest Car Forum in the Philippines

Results 1 to 7 of 7
  1. Join Date
    Feb 2005
    Posts
    131
    #1
    Heto ang KAPAYAPAAN na alam natin, noong wala pang

    KAUNLARAN...

    Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan.

    Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron gumamela lang.

    10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon. Merong free ang mga patpat ng ice drop - buko man o munggo.

    Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro/a.

    Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa di mo kakilala.

    Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana;

    Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal's office kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams.

    Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa,mapagtapos ang mga anak...

    Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy's noon.

    Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong, "sketeng" (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno;patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan); sumpit, sumpak, pilatok, boca-boca, borador, teks, atbp.

    Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata, kasi laro nga iyon.

    Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion, Newport at Gold Coin (kahon-kahon yon!)

    May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli ng tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo;

    Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin. Namumugalgal ang pundiyo ng salawal mo kasi nakasalampak ka sa lupa.

    Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan na high tech... di ba minsan nangarap ka na rin.. mas masaya noong araw! Sana pwedeng maibalik...

    Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob... Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kaya ayaw tayong mapahamak o mapariwara... Na una silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo...

    Balik tayo sa nakaraan kahit saglit... Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone; noong wala pang mga drugs at malls; bago pa nauso ang counter strike at mga game boys. Tayo noon... Doon...

    Tinutukoy ko ang harangang taga, taguan o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan.

    Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng mga nakakatakot sa "Mga Aninong Gumagalaw", o kung nakikinig ka sa mga Kuwento Ni Lola Basyang.

    Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado natin, kasi wala namang calculator noon.

    Ang pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama; pagtikwas o pagtitimba sa poso; pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae.

    Inaasbaran ang mga suberbiyo; nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page. Naisako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang palo ng tsinelas o sinturon?

    Pamimili ng bato sa bigas; tinda-tindahan na puro dahon naman; bahay-bahayan na puro kahon; naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw?

    Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan;



    Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ng lukaok, susuwi at espada?

    Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata...Estigo santo naman kapag nagmamano.

    Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; matakot sa "berdugo" at sa "kapre".

    Tuwang-tuwa kami pag natalo ang tinale ni itay sa sabong kasi may tinola!

    Yung crush mo?

    Pag recess - mamimili ka sa garapon ng tinapay; alembong, taeng-kabayo, pilipit o biscocho?

    Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel. Kung gusto mo naman - pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat o tira-tira.


    Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magparikit ng apoy.

    Marami pa...

    Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan; ang palutong pag isawsaw sa sukangmay siling labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin...

    Halo-halo - yelo, asukal at gatas lang ang sahog.

    Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka; o naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan.

    Lipstick mo ay papel de hapon; Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit.

    Naglululon ka ng banig pagkagising; matigas na almirol ang gamit sa mga punda at kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba? Pwede rin sa laylayan...

    May mga program kapag Lunes sa paaralan. May pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk.

    Di ba masaya? Naaalala mo pa ba?

    Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yaon... Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang inaalaala iyon...


    Di ba noon, ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?" Pag ayaw ang resulta! di ulitin: "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?"...Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How, how the carabao, batuten...

    Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka- mayaman. Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti. Nauubos ang oras natin sa pagkukwentuhan, may oras tayo sa isat-isa. Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka. Kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka nang taya sa holen o

    balagoong ka sa tumbang preso.

    Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo.

    Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo; alaga sa punas ng bimpo at sukang iloko; meron tayong Royal at skyflakes sa tabi.

    Kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN!

    Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!

    Ano pa ba ang iba, may naalala ka pa ba?

  2. Join Date
    Jan 2005
    Posts
    6,058
    #2
    Sa palagay ko, di na ito mararanasan ng mga anak natin.

  3. Join Date
    Apr 2004
    Posts
    3,067
    #3
    nothing is constant... everything change... i know we'll never experience that again or yun kids natin... pero at least hindi rin natin na-experience yun tribal pa lahat at we have to hunt our own food...

  4. Join Date
    Oct 2002
    Posts
    21,244
    #4
    naranasan ko na lahat yan, sa baryo kasi ako lumaki. kumakain pa kami ng salagubang na inadobo sa kamatis. yung buto ng camachile, sabi nila dati, kapag binalatan mo at naiwan ng buo yung layer na brown in-between nung outer layer at yung seed, tapos ibaon sa ebak ng kalabaw, magiging pera daw. langhya, ang dami kong nakain na camachile pero wala pa akong nabuo! :bwahaha:
    Signature

  5. Join Date
    Oct 2002
    Posts
    10,820
    #5
    madami yata ang mga nagawa ko nung maliit pa ako na di mararanasan ng mga anak ko. isa na yung maligo sa baha ng walang salawal (una na babae sila ehehe!). di rin nila maranasan maglaro ng taguan sa gabi na bilog ang buwan, 12 ng hating gabi na ay di pa kami tumitigil maliban na lang pag hinabol na ng sinturon ng aming mga tatay. ang pumunta sa bukid na baon lang ay tirador. at pag inabutan ng gutom ay makiki-kain na lang sa sinuman maabutan namin na may luto. at kung talagang wala e pwede na ang bayabas o kung ano man prutas ang makita sa bukid. di ko din malaman kung paano ko nagawang maligo sa ilog na katatapos lang ng bagyo, malalim at malakas ang agos ng tubig pero syempre bata kaya di natatakot. ngayon pag nakikita ko na malakas ang agos ng tubig takot na ako, kahit na mababaw pa yan at marunong naman lumangoy. tanda ko din na minsan nakatuwaan naming magklaklase na akyatin yung bundok sa san antonio na may waterfalls. umakyat kami hanggang marating namin yung sapa, tapos binaybay na namin yun hangang marating namin yung water falls. at dun na kami talagang inatake ng kagaguhan, inakyat namin yung tabi ng falls na mahigit 200 pye ang taas ng wala man lang lubid, kapit-bisig lang kami pag di namin abot ang susunod na bato na pwedeng hawakan. at nung pababa na kami ay syempre malaking problema at nakakatakot na. nung paakyat sa taas kami nakatingin, nung pababa sa baba nakatingin. nakakalula! daig pa namin ang kuting na umakyat sa puno na hindi na makababa hahahaha! ikot na lang kami ng malayo para maiwasan na bumaba sa gilid ng bangin kung saan nanduon yung waterfalls. at dun na kami sabay-sabay na pinulikat dahil siguro sa kapaguran. at ang aming pananghalian ng araw na yun ay isang latang sardinas at konting bigas na naipuslit namin sa kusina, 7 kami kaya syempre gutom ang inabot ehehehe. paminsan-minsa'y naiisipang mag-picnic ng aming mga magulang. sa ilog, sa dagat, sa look (lo-ok, ibig sabihin ay "lake" para dun sa mga hindi alam ehehe!). bilad kami sa araw maghapon dahil kahit na kumakain na lang ay nakababad pa kami sa tubig. ha! anong sarap kumain ng bar-b-cue habang ikaw ay nakaupo sa katig ng banka! pagtapos ng araw at uwian na ay kay hirap ng aming mga nanay na paahunin kami. at minsa'y di na kami makilala ng aming mga magulang dahil sa itim ng aming mga balat. di pa kasi uso ang sun screen nuon kaya't animoy mga nognog lahat kaming mga bata.

    isa na lang ang nakikita ko sa aking mga ka-tropa. tatlo sa kanila nasa america, isa nama'y naging pari, at ang isa pa ay di na namin alam saan napunta.

    ngayon pag nauwi ako ng zambales at nakikita ko yung bundok, o mapadaan ako sa ilog na malakas ang agos, o kahit na bumaha lang sa maynila at mapanuod ko sa news, natatawa na lang ako. tanda ko na, di na pwedeng mag-asal bata. pag bilog ang buwan nilalabas ko na lang ang aking 2 anak at naglalaro kami sa driveway. kahit yun man lang maglaro sa liwanag ng buwan ang maranasan nila.
    Last edited by yebo; April 9th, 2005 at 07:39 PM.

  6. #6
    I remember the days when, there where no cellphones, digicams, internet, cable tv, etc. Life was so much simplier. When you have a book report, you go to the library to research, when you want to talk to someone use the telephone, there were no emails just snail mail and it took several days maybe weeks for your mail to reach its destination local or international. a 500ml coke costs around 8 pesos back then, gas prices where reasonable, the air was much more fresh,... its good to reminise

  7. Join Date
    Aug 2004
    Posts
    1,632
    #7
    Quote Originally Posted by Alanstatic
    Kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN!
    Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!
    YES, a big smile for the good old memories... Life was so simple then...

    still remember the "pabunot"... hahaha... nauubos baon ko dun para lang makakuha ng tau-tauhan na indian at cowboy...

    and i'll never forget na pag-uwi ng nanay galing palengke, parating may pasalubong na puto...

    how i wish that my kids will experience those things kahit na high-tech na tayo ngayon...

Kaunlaran..kapalit ng Kapayapaan...