Hawak na ng Manila Police District (MPD) ang tatlong suspek sa brutal na pagpaslang sa 7-anyos na bata na isinilid sa maleta at natagpuan sa Pier 13 kamakailan.
Ito ay makaraang maaresto ang dalawa pang suspek sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City at Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Chief
Insp. Alex Yanquiling, hepe ng Homicide Section, ang suspek na sina Ramil Dioreco, tubong Tacloban City at residente ng Sitio San Isidro, Pag-asa, Quezon City at Domingo Agnote, 23, dating security guard ng Sunshep Security Agency, ng Dagat-dagatan, Caloocan City.
Ang isa pang suspek na si Raffy Nepa, 25, ng Purok 3, Isla Putting Bato ay nauna nang inaresto noong Sabado ng gabi sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Yanquilling, ang pagkakadawit ni Dioreco ay bunsod sa salaysay ni Agnote nang ikuwento umano sa huli ang ginawang pagpatay kay Geraldine Palma, ng 136 4th St. Riverside Village, Bgy. Sta. Lucia, Pasig City.
Ayon kay Agnote, kasama umano ni Dioreco sina Rosdam, Ramil, Rick-Rick at Henry Tesado na nag-aabang ng mahoholdap hanggang sa mamataan nila ang bata na may dalang maleta.
Inamin din ni Agnote na ginahasa muna nila ang bata bago pinatay at isinilid sa maleta. Itinanggi naman ni Agnote na kasabwat siya.
Matatandaang natagpuan ang bangkay ng biktima na nakasilid sa maleta dakong alas-8:00 ng umaga noong Agosto 17 sa Manila International Container Terminal (MICT) sa likod ng ECD Warehouse, Manila Bay, North Harbor, Tondo.