Mayo 18, 2006
Isang itinuturing umanong "hot car" ang nai-surrender sa PNP-TMG Huwebes ng gabi sa tulong ng isang negosyante at ang itinuturong pinanggalingan umano nito ay si Jay-Jay de los Santos na isinasangkot naman sa Valle Verde carjacking gang.
Sa tanggapan ng ABS-CBN dumulog ang negosyanteng si Maurice Valenton para humingi ng tulong upang mai-surrender nang ligtas at maayos sa PNP-TMG ang isang hot car na ipinambayad umano sa kanila ng negosyanteng si de los Santos.
Kaya mula Camp Crame, kasama sina TMG chief Errol Pan, isinuko ng grupo ni Valenton ang umano'y nakaw na Ford F-150 na nakagarahe sa may West Avenue, Quezon City.
Nakapangalan umano ang sasakyan sa isang Romulo Bautista na nakatira sa Grace Park sa Caloocan.
Ipinakita rin ng grupo ni Valenton ang tumalbog na mga tsekeng P6.6 milyon at halos P8 milyon na pirmado pa ni de los Santos.
Naka-isyu ito sa isang Martin Castro na siya namang inutangan ni Valenton sa kanyang negosyo.
Kabayaran dapat ito sa mga kotseng isinangla ni de los Santos na kinumpiska ng TMG noong Nobyembre 2005, kabilang na ang Nissan Patrol ng aktres na si Iya Villania.
Umaasa ang TMG na sa paglutang ni Valenton, lalantad na rin ang iba pang mga biktima para mag-surrender ng mga hot car at tuluyan nang matuldukan ang carjacking incident sa Metro Manila.