
Originally Posted by
BoEinG_747
BUMAGSAK ng mahigit 70 porsiyento ang kita ng Metro Manila Development Authority (MMDA) noong nakalipas na taon matapos maglabas ng desisyon ang Korte Suprema kaugnay sa ipinaiiral na single ticketing system.
Ito ang inihayag ng isang mataas na opisyal ng naturang ahensiya makaraang ikumpara ang kita nila noong taong 2004 sa naging koleksiyon mula sa multa ng mga nahuhuling motorista sa nakalipas na taong 2005.
Napag-alaman na umabot lamang sa P58,056,000 ang nakolekta ng MMDA mula buwan ng Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon na napakababa kumpara sa P151,798,000 na kanilang nakolekta noong taong 2004.
Naniniwala ang MMDA na ang pagbagsak ng kanilang koleksiyon ay bunsod ng inilabas na desisyon ng Korte Suprema na nagpapatigil sa pagpapatupad nila ng Metropolitan Traffic Ticketing System kung saan nagkaroon ng kalituhan bunga ng malabong paliwanag sa inilabas na kautusan.
Ayon pa sa naturang opisyal na tumangging ipabanggit ang pangalan, ang malaking kinikita mula sa ibinabayad na multa ng mga nagkakasalang moto-rista sa batas-trapiko ang dahilan kaya't nakikipagmatigasan ang mga alkalde sa Metro Manila na sila na lamang ang mangasiwa ng trapiko sa kanilang nasasakupang lugar.
Napag-alaman na ang kalahati sa kabuuang nakokolekta mula sa multang ibinabayad ng mga moto-rista ay napupunta sa kaban ng MMDA samantalang 20 porsiyento rito ay sa mga traffic enforcers bilang komisyon.
Labinlimang porsiyento naman ang napupunta umano sa mga traffic commanders ng iba't-ibang traffic units sa bawat distrito, limang porsiyento sa maintenance at iba pang opera-ting expenses samantalang 10 porsiyento lamang ang napupunta sa lokal na pamahalaan.
Nauna rito'y nagpahayag ng paniniwala si MMDA Chairman Bayani Fernando na ilegal ang ginawang pagpapasa ng kanilang sariling Traffic Ordinance ng ilang mga alkalde dahil taliwas ito sa isinasaad ng batas na lumikha sa MMDA.
Gayunman, aminado si Fernando na tiyak na kikita ng malaki ang mga lungsod na may sariling traffic ordinance dahil na rin sa makokolektang multa sa mga lalabag sa batas-trapiko.