Walang katapusang laban to ah!

Paquiao vs Marquez Part 4, tuloy na - report
Matapos ang ilang linggong espekulasyon at mga pangalang naglalabasan, matutuloy na rin sa wakas ang isa sa pinakaaabangang laban sa boxing career ni 8-division world champion Manny Pacquiao.

Ayon sa impormasyon, pumayag na umano si WBA/WBO lightweight super lightweight champion Juan Manuel Marquez para sa kanilang pang-apat na pagtutuos ni Pacquiao.

Sinasabing, may napagkasunduan na umano sina Marquez at Zanfer Promotions at ang Top Rank Promotions ni Bob Arum matapos ang isang pagpupulong na ginanap sa Mexico.

Ang hindi pagtanggap umano ni Pacquiao sa rematch kay WBO welterweight champion Timothy Bradley ay bilang paghahanda sa 2013 fight kay Floyd Mayweather Jr.

Una nang lumabas ang scenario na mas nakalalamang sa negosasyon si Marquez na muling makalaban ni Pacquiao sa Nobyembre.

Kung magkakaroon kasi ng rematch si Pacman kay Bradley ay kokonti lamang ang kikitain lalo na sa isyu ng pay-per-view.

Liban dito, kitang kitang din na dinomina ni Manny ang laban kung saan nanalo lamang si Bradley sa tulong umano ng mga boxing judges sa Las Vegas.

Sa tatlong beses naman na labanan nina Pacquiao at Marquez, lahat ng mga naging desisyon ay puro dikitan at kontrobersiyal.

Unang nagharap noong 2004 sina Marquez at Pacman kung saan nauwi sa draw sa kabila ng tatlong beses na bumagsak ang Mexican boxer.

Naulit ang nasabing laban noong 2008 at sa pamamagitan ng split decision nanalo ang Pinoy champion.

Sa pangatlong installment ng kanilang laban, nagharap muli sina Pacquiao at Marquez noong November 2011 kung saan majority decision ang panalo ng Filipino ring icon.

Samantala, inaantay naman ang magiging opisyal na kumpirmasyon ng magkabilang kampo kaugnay sa lumabas na report. (fightnews)
Source