GMA dumausdos sa World's top 100 powerful women
Mula sa dating ikaapat na puwesto sa talaan ng "100 Most Powerful Women of the World" noong nakaraang taon, bumulusok sa ika-45 na puwesto si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ngayong taon.
Ang naturang listahan ng pinakamakapangyarihang kababaihan sa mundo ay base sa resulta ng pandaigdigang pananaliksik (international survey) ng US-based Forbes magazine.
Ngunit sa halip na madismaya, positibo pa ring tinanggap ng Malacaņang ang naturang ulat. Ayon kay Executive Sec. Eduardo Ermita, ang mahalaga ay nakapaloob pa rin sa top 100 powerful women ng mundo ang Pangulo at tunay umanong isang malaking karangalan ang mapahanay sa kahanga-hangang kababaihang ito.
"Hindi natin makokontrol ang isang pribadong grupo tulad ng Forbes magazine pero tayo ay nagpapasalamat sa kanilang survey," ani Ermita.
Ikinatuwa rin umano ng Pangulo ang patuloy na pagkakahanay sa naturang talaan.
Naniniwala si Ermita na ang matagumpay na pagsupil sa mga destabilisasyon at pagpapanumbalik ng political stability ng Pilipinas ang naging pangunahing kuwalipikasyon ng Pangulo para mapabilang sa nasabing world list.
Ipinagmalaki rin ni Press Sec. Ignacio Bunye na kahit bumaba ang ranking ni Arroyo sa naturang survey ay nakakataas pa rin ito kina Queen Elizabeth II ng Britanya at Nobel Peace Laurete Aung San Suu Kyi ng Myanmar na nasa ika-46 at 47 na puwesto, ayon sa pagkakasunod. Nanguna sa listahan ngayong taon si German Chancellor Angela Merkel.


Reply With Quote

hala!
