UMAABOT na sa bilang na 7 milyong kabataan ang iniulat ngayon na pawang malnourished dahil sa kakulangan sa inihahaing pagkain sa mesa ang nais lutasin ni Senator Ralph Recto, sa pamamagitan ng pagsusulong niya ng programang "debt for nutrition swap".

Ang nasabing programa na isinusulong ng senador ay naglalayong maisalin ang debt repayments project ng gobyerno sa anti-poverty projects na nakakuha umano ng suporta mula kay United Nations Secretary General Kofi Annan at House Speaker Jose de Venecia.

Ang ideya umanong ito na "converting debts into nutrients" ay isa sa mga posibleng solusyon sa lumalalang problema ng bansa sa illiteracy maging sa malnutrisyon.

Ang panukalang ito ni Recto ay nag-ugat sa nakababahalang survey report na inilabas ng Food and Research Nutrition Institute kung saan tatlo umano sa 10 bata sa bansa ay underweight.

Ayon naman kay Anupama Rao Singh ng United Nations Childrens Fund director for East Asia and the Pacific, mayroon umanong mga lugar sa Pilipinas kung saan umaabot sa 56% ang malnutrisyon. Ito umano ay mas mataas kumpara sa North Korea na nakapagtala lamang umano ng 47% habang East Timor naman ay 53%.

"We are light years away from becoming a Sudan, but we should adopt the policy 'malnourished child is one too many," ani Recto.

Isa umano sa nakikita ng senador na maaaring magpondo sa isinusulong niyang programa ay ang plano ng gobyerno na pakainin ang 7.5 milyon mga schoolchildren ng vitamin enriched noodles araw-araw sa susunod na taon. Sa budget umanong P200 kada bata ang plano ay magkakahalaga ng P1.5 billion halagang katumbas umano ng 18 hours ng debt service sa susunod na taon.

Ang tinutukoy ni Recto ay ang daily debt service na nagkakahalaga ng umaabot sa P2 bilyon sa 2006, base sa nakatakda P340 bilyon na interest at P371 bilyon na principal interest.

Habang sinusuportahan ng senador ang noddles program na ipinapanukala ng gobyerno dapat umanong magkaroon ng iba pang pagkain na ibigay sa mga bata bilang pabuya sa magandang class performance.