Mismong mga oil companies ang nagbigay ng prediksyon na papalo sa P50 kada litro ang presyo ng langis sa lokal na pamilihan bago matapos ang taong kasalukuyan. Ito’y dahil pumalo na sa $64 per barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na siyang pinakamataas umano sa kasaysayan ng mundo.

Sinabi ni Flying V President Vic Villavicencio na ang P50 na kanilang estimate ay kasama na ang P3 hanggang P4 na dagdag sanhi ng Expanded Value Added Tax (EVAT) gayundin ang under recoveries noong nakalipas na mga buwan na aabot ng P2 sa diesel at P3 sa gasolina.

Sa panig ng Consumer and Oil Price Watch, una nang sinabi ni Raul Concepcion na sa mga susunod na linggo ay hindi na 50 sentimos ang adjustment sa presyo ng langis bagkus P3 na kada litro.

Kaugnay nito, nanawagan naman sina Nueva Ecija Rep. Aurelio Umali at Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri na bigyang pansin ang problema ng patuloy na pagtaas na presyo ng langis sa pamamagitan ng paghahanap ng alternatibong pagkukunan nito. Ayon sa dalawang mambabatas, panahon na para bawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa larangan ng enerhiya.

"Kaya nating maging independent sa OPEC kung gugustuhin natin kaya sana pagtulungan na nating lahat ito dahil wala ng pag-asang ibaba pa ng OPEC ang kanilang presyo," ayon naman kay Zubiri.