Nagkalasug-lasog ang katawan ng 26-anyos na lalaki hanggang masawi, samantala wasak din ang minamaneho nitong kotse matapos na sumuot sa isang umaatras na trak sa Quezon City kahapon.
Napuruhan sa ulo at iba pang bahagi ng katawan kaya agad na binawian ng buhay ang biktima na nakilalang si Daniel Nubla Jr. y Zoleta, residente ng 978 Don Quijote St., Sampaloc, Maynila.
Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang truck driver na si John Demacsa y Rendon, 52, tubong Iloilo at naninirahan sa 30 Kaunlaran St., Kaingin Bukid, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PO1 Rodolfo Zulueta ng CDTEO-Traffic Sector 1, bandang alas-3:45 kahapon ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa 1305 G. Araneta Avenue, Quezon City.
Umaatras umano papasok sa garahe ang Fuso tractor truck na may plakang TEM-540 na minamaneho ni Demacsa habang ang biktima naman ay nagmamaneho ng kotseng Toyota Corolla na may plakang PTU-198, galing ng A. Bonifacio Road patungong Quezon Avenue.
Pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, sumalpok umano ang unahang bahagi ng kotse sa kaliwang bahagi ng trailer truck. Sa lakas ng impact, pumailalim ang kotse sa trailer truck na nagresulta sa pagkakaipit ng biktima hanggang lagutan ito ng hininga.





