my first pick would be honda civic and the other is ford focus crdi..
Makabagong makinang diesel
Junep Ocampo
Sa mahal ng gasolina ngayon, hindi kataka-taka na marami sa atin ang naghahanap ng kotseng diesel ang makina. Lima hanggang pitong piso kasi ang diprensya ng presyo ng isang litrong gasolina sa isang litrong diesel. Sa isang full tank, umaabot sa P300 ang natitipid ng mga naka-diesel. At sa mga malalayo ang biyahe, ang P300 na ito ay umaabot sa libu-libo buwan-buwan.
Pero maraming kababayan natin ang ayaw sa diesel kahit pa gusto nilang magtipid. Ayaw kasi nila ng mausok, maingay at mabagal. Ito kasi ang tatlong “M” na madalas na ikinakabit sa makinang diesel.
Hindi na ngayon.
Pinasubok sa akin ng Ford Group Philippines ang pinakabago nilang kotse – ang Ford Focus hatchback na diesel ang makina. Mula sa labas ay wala itong pagkakaiba sa ibang Focus, maliban sa mas sporty ang dating nito dahil hatchback. At wala ring pagkakaiba ang loob nito sa ibang Focus.
Kung hindi ka madetalye, ni hindi mo siguro mapapansin ang “6” na nakasulat sa kambyo o ang TDCi na nakasulat sa puwitan ng otong ito.
Ang ibig sabihin ng “6” ay six-speed at ang TDCI ay “Turbo Diesel Commonrail Injection.” Sa medaling paliwanag, isa lang ibig pakihulugan nito – matuling diesel na kotse.
Ang Focus na pinasubok sa akin ay resulta ng common rail direct injection (CRDi) technology na ngayon ay sikat na sikat sa Europa. Sa mga walang alam sa makina, narito ang konting paliwanag. Ang diesel po kasi ay nangangailangan ng mataas na pressure para masunog. Hindi ito gaya ng gasoline na medaling magliyab. Kaya naman sa ang mga lumang diesel engine ay maingay – dahil malakas na puwersa ang ibinibigay nito para umandar.
Ito ang ginawang modern ng CRDi. Sa pamamagitan ng common rail – isang tubo na kontrolado ng computer – ginagawang tila hamog ang diesel at ini-spray sa loob ng makina para medaling sunugin. Ang resulta ay mas tahimik at mas matulin na andar ng sasakyan.
Dumarami na ang mga sasakyang gumagamit ng CRDi engines. Ang mga bagong Hyundai ay ganito na ang makina. Maging ang mga bagong sasakyan ng Toyota gaya ng Fortuner at Innova ay naka CRDi na rin.
Balik tayo sa Focus.
Ang huling kotseng diesel na minaneho ko ay Isuzu Gemini. Noon kasing ‘70s at ‘80s ay Gemini lamang ang oto na diesel ang makina. Nung mga ‘90s at ngayong dekada 2000 naman ay nalimita sa AUVs, pickups at mga trucks ang mga makinang diesel. Ngayon na nga lang naglalabasan ang mga kotseng diesel ang makina at maging ang BMW ay may modelo (530d) na diesel ang karga.
Anong masasabi ko sa Focus? Sinlayo ng langit at lupa ang pagkakaiba ng kumbensyunal na diesel engine sa makina ng Focus. Sa pag-start pa lang ay walang ingay at vibration. Sa pag-arangkada ay maliksi at mabilis ang response ng makina. At lalo na sa rekta. Makakalimutan mo ngang may 6th gear pa dahil sa 5th gear pa lang ay nag-150kph na ang takbo ko sa NLEX.
Talagang ibang-iba!
At nakakapanibago ang konsumo ng Focus dahil simula pa noong Biyernes ay ibiniyahe ko na ito ng mahigit 500 kilometro sa Laguna at Pampanga pero hanggang kahapon ay nangangalahati pa lang ang fuel gauge nito.
Kung naghahanap kayo ng kotse na maporma, matulin, masarap gamitin at matipid, silipin n’yo ang Ford Focus diesel. Medyo mahal nga lang ang presyo nito kumpara sa de-gasolinang Focus. Pero ibang-iba naman talaga sa tipid at performance.